Header Ads

Sa halip na si Aguirre, pader ang sinuntok ni Duterte


MISMONG si Philippine National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang nagkuwento sa mga mamamahayag na sinuntok ng Pangulong Rodrigo Duterte ang isang pader sa Malakanyang matapos magalit nang sobra dahil sa nabalitaang dinismis ang kaso nina Kerwin Espinosa, et. al.
Patunay ito na ‘hindi nagbibiro’ ang Pangulong Duterte nang sabihing kapag nakalaya sina Kerwin, Peter Co, Peter Lim at 20 iba pang akusado, si Justice Secretary Vitaliano Aguirre mismo ang ipapalit nito sa kulungan.
Maniwala kayo o hindi, may ilang kalalakihan na ngayon ang nagpupustahan kung sisibakin ba ni Digong si Aguirre o sasabihan niya itong mag-resign.
Sunud-sunod na kapalpakan na ang ginagawa ni Aguirre.
Una rito ang sumabog na iskandalo sa Bureau of Immigration (BI) kung saan tumanggap umano ng P50 million bribe money ang mga ka-brod at personal ‘pick’ niyang sina Atty. Al Argosino at Michael Robles mula sa Chinese gambling lord na si Jack Lam.
Tinangka pang magpalusot nina Argosino at Robles at takasan ang ‘plunder case’ na nakaabang sa kanila dahil sa halip na P50 million ang isinauling pera, bawas na ito ng P1,000 o P49, 999,000 na lamang.
  
Ang kasong pandarambong ay wala dapat piyansa na sumasakop sa sangkot na perang P50 million pataas.
  
Ikalawang kababalaghan na nangyari sa Justice Department ay wala kahit isang opisyal ng Bureau of Customs (BoC) ang sinampahan ng kaso mula sa P6.2 billion na halaga ng shabu ang nakalusot sa pantalan.
  
At ang pinakahuli ay ang pagdismis ng Justice Department sa kaso nina Kerwin sa kabila ng katotohanang umamin ito sa Senado na isa siyang drug lord at ang supplier niya sa droga ay sina Peter Lim at Peter Co.
  
Umani ng katakut-takot na pagbatikos ang tanggapan ni Aguirre.
  
Ang mabigat, pati ang giyera kontra sa ipinagbabawal na gamot ay pinagdududahan na rin ngayon dahil sa pagdismis sa kaso nina Kerwin.
  
Na kapag mga mahihirap na adik lamang ay kaagad pinapatay, pero kapag mga big time drug lord na ay inaabsuwelto pa.
  
Pikon din si Bato sa nagsasabing ‘moro-moro’ ang giyera kontra droga dahil 108 pulis na ang napapatay sa walang humpay nilang anti-drug operation pero pagdating pala sa piskalya ay ididismis lang din iyong ibang kaso sa ipinagbabawal na gamot.
  
Ibinato ni Aguirre ang sisi sa PNP, partikular na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tumatayong complaint sa kaso nina Kerwin at dalawang Peter dahil hindi raw nila iniharap bilang ebidensiya ang testimonya ni Kerwin sa Senado.
  
Pero para sa mga sumusubaybay sa naturang kaso, ang tingin ng nakararami ay nagpapalusot lamang si Aguirre tungkol dito.
  
Bilang Justice secretary, dapat ay tinutukan nito ang mga ‘high profile case’ lalo’t mahigpit ang direktiba kontra sa ipinagbabawal na gamot.
  
Ang ginawang pagsuntok ni Duterte sa pader sa Malakanyang ay pagpapakita na disappointed ang Pangulo sa kinalabasan ng kaso.
  
Kung matatandaan, sinibak ni Duterte si DILG Sec. Ismael Sueno dahil sa halip na imbestigahan ang multi-million peso na proyekto sa truck ng bumbero ay itinuloy pa rin ito ng opisyal.
  
Nagduda si Duterte na maaaring nagkaroon ng lagayan sa isyu ng mga truck ng bumbero at hindi tanga ang ating Pangulo na may ‘kumita’ rin kaya dinismis ang kaso ng mga suspected drug lord.
  
Kung ako kay Aguirre ngayon, uunahan ko nang mag-resign sa puwesto dahil hindi na siya nakatutulong sa ‘change is coming’ na kampanya ng administrasyon.
  
Sa halip, bagahe at pabigat na ito para maging ‘alter ego’ pa ng Pangulong Duterte panay ang sabing ‘My God, I hate drugs,’ pero ’yun pala ang drug lord na umaming isa siyang tulak ay iaabsuwelto rin pala.
  
Sana mag-resign ka na, Mr. Justice Secretary, kesa sibakin ka pa!
  
Iyan ay kung may natitira pang ‘delicadeza’ sa iyong anit at bunbunan!
Disclaimer:

(NO COPYRIGHT INTENTIONS, FOR SUPPORT AND EDUCATIONAL PURPOSES ONLY) I do not own ANY of the soundtrack, property and rights for audio/ video go to the OWNER. If any content owners would like their images/video removed, Please Message me and I will do so. No copyright infringement intended. Copyright reserved to the respected owner(s) of this video and copyright parties.Thank you for being considerate.

1 comment:

Powered by Blogger.